• Home
  • News
  • Dr. Lumbera, tinalakay ang pagiging nasyonalismo sa National Artist Lecture Series

Dr. Lumbera, tinalakay ang pagiging nasyonalismo sa National Artist Lecture Series

“Hindi likas sa tao ang nasyonalismo. Ito ay tinutuklas habang siya ay nagpapalawak ng kanyang kamalayan.” Ito ang pambungad mensahe ni Dr. Bienvenido L. Lumbera sa kanyang panayam sa ikalimang serye ng National Artist Lecture Series (NALS) na ginanap noong 29 Setyembre 2016 sa UPV Iloilo City campus.

Tinalakay ni Dr. Lumbera ang pagkakaiba ng nasyonalismo at patriotismo bagamat sa kanyang pag-aaral pareho itong may kinalaman sa bayan. Ayon sa kanya, “ang patriotismo ay likas na damdaming pagmamahal sa bayang sinilangan na binubuo ng mga diwa at damdamin na kaugnay ng kamalayan ng tao na siya ay bahagi ng isang nasyon, isang komunidad ng mamamayan na nagkakaisa na sila ay may iisang paninidIgan bilang komunidad at handang payabungin at ipagsanggalang ito sa harap ng ibang nasyon.”

Si Dr. Bienvenido L. Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan (2006), ang panauhing tagapanayam sa ikalimang serye ng NALS. Ayon kay Prof. Jose Julie E. Ramirez, program director ng NALS, ang programa na may temang “Dayaw: Halad ng UP Visayas sa Pagsabuhay ng Kulturang Filipino sa Wikang Filipino” ay isang pagpupugay ng UP Visayas bilang serbisyo sa bayan na nagbibigay pugay sa mga alagad ng sining upang magsilbing inspirasyon sa mga manunulat, mananaliksik, estudyante, guro at mga kabataang henerasyon.

Ang ikalimang serye ng programa ay dinaluhan ng mga guro at estudyante mula sa UP Visayas, UP High School in Iloilo, Jalandoni National High School, Leon National High School, Mandurriao National High School, Iloilo City NHS, Iloilo National High School, Ramon Avancena NHS, Western Institute of Technology, St. Therese La Fiesta, University of San Agustin, Philippine Science High School at Tagsing Buyo NHS. Ang National Artist Lecture Series (NALS) ay itinataguyod ng UPV Sentro ng Wikang Filipino at Opisina ng Vice Chancellor sa Pananaliksik at Ekstensiyon sa pakikipagtulungan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining. Layunin ng programa na ibahagi sa mga delegado ang buhay, karanasan, kasanayan at kaalaman na tinahak ng isang pambansang alagad ng sining. (By: Prof. Jose Julie E. Ramirez and Sydna M. Lozada)

 Print  Email

UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES VISAYAS
                        
New Administration Building, Miagao, Iloilo, Philippines 5023
(033) 315-9494
ipo@upv.edu.ph, ipo.upvisayas@up.edu.ph

STAY CONNECTED!